Thursday, October 3, 2013

Kwentong Jeepney

Uuwi ulit akong mag-isa.

Ano nga bang meron sa jeep?
Ano nga bang nangyayari sa byahe ko pag-umuuwi ako?

Madami. Iba-ibang klaseng tao. Iba-ibang klaseng komedya.

Case # 1: "Aray, ano ba?"

Madalas na dialogue ng mga babaeng feeling commercial model ng shampoo kung
ipatangay sa hangin ang buhok. Mga walang pakialam kahit na ang mga katabi nila ay hirap na hirap na sa pag-iwas sa paghampas nito sa mukha nila. Kaya ako kapag di na ako makapagpigil, hinihila ko na yung buhok, sabay sorry kunwari akala ko buhok ko yun. At kapag sinusumpong ako, kinakalabit ko na at sinasabihan kong hindi ako kumakain ng buhok.

Case # 2: "Blah, blah, blah...'

Mga taong feeling sila lang ang sakay na kung mag-usap ay dinig ng lahat ng pasahero. Nakakaaliw sila minsan lalo na't mahaba ang byahe at walang radyo yung jeep. Pampalipas oras din sila, minsan nga gusto ko ng sumabat dun sa kwentuhan nila lalo na kapag nakaka-relate ako. Pero kapag inaantok ako at di na makapagpigil, tinitingnan ko sila na parang gusto kong dukutin ang lalamunan nila.

Case # 3: "Pakiabot lang po..."

Kapag napaupo ka ng medyo malapit-lapit sa driver, asahan mo ng magiging taga-abot ka ng bayad. Ok lang sana yun eh, hwag ka lang makaka-tyempo ng driver na may pagka-manyakis na nanadyang manghaplos ng kamay. O kaya naman ng driver na parang di pa ata nakakaalam na uso na ang deodorant. O kaya naman ng driver na mas malakas pang bumuga sa tambutso nya ang bunganga. Syempre wala naman akong magawa kundi ang magtakip na lang ng ilong at umurong agad kapag medyo lumuwang. At meron namang mga pasaherong sobrang bait na hindi ka pa nakakapagsalita ay kinukuha na sa kamay mo ang bayad mo. Meron din syempreng matatapang na kapag hindi mo nakuha agad yung bayad nila ay medyo itataas ang boses at may kasama pang ismid. Hay naku, pwede ba wala akong kumisyon sa pag-abot ng bayad nyo ha.

Case # 4: "Makikiusog nga..."

Para sa mga kung umupo ay kala mo pang-dalawang tao ang binayaran. May mga babaeng kung umupo ay nakalihis, walang pakialam na yung katabi nya kalahating pwet na lang ang nakaupo. Meron din mga lalaking kung makaupo ay halos mangingimi kang tumingin sa kanya dahil sa laki ng pagkakabukaka. Animo'y may kung anong pinoprotektahan sa pagitan ng kanyang mga hita. Kapag ipit na ipit na ako, sinasabayan ko ang pag-preno ng mama sa
pag-usog. Pasensyahan na lang kung mapalakas.

Case # 5: "Ooozzz."

Wala namang masama kung matulog ka habang nasa byahe, pero sana lang walang dantayan at basagan ng bao o di kaya ay matuluan ng panis nyang laway. Kapag may katabi akong natutulog na, hinahayaan ko lang (syempre alangan namang pigilan ko) at kapag babagsak na ung ulo nya sa 'kin,bigla kong ibinababa balikat ko para magulantang sya.

Case # 6: "Mama, para ho..."

May mga driver na di mo mapipigilang mapamura sa sobrang tagal bago huminto na halos kailanganin mo ng sumakay pabalik sa layo ng pinagbabaan sa 'yo. Meron namang hihinto kahit na sa gitna ng kalsada mabawasan lang agad ang sakay nya. At meron ding halos mahalikan mo na yung katabi o kung minalas-malas ka ay mahuhulog ka pa dahil sa biglang pagpreno nya. May mga pasahero namang hindi pa nakuntento sa pagkalakas-lakas na pagsabi ng para at kumakatok pa sa bubong. Merong namang magbabayad kapag pababa na at may gana pang magalit kapag hindi agad naihinto ang sasakyan. At syempre merong mga nagmamadaling akala mo ay mauubusan ng lupa kung bumaba, kasehodang mabunggo at matapakan nyang lahat ng daraanan nya. Pero pamatay pa ring yung minsang may nakasakay akong mama na pagkalakas-lakas at paulit-ulit na sumisigaw ng "Bayad ho, bayad ho, bayad ho..." Syempre yung driver, kuntodo extend ng kamay nya. Nakatingin na lahat dun sa mama na kumakatok-katok pa sa bubong ng jeep. Sabay naalala nyang "Para" pala ang dapat nyang isinisigaw.

Case # 7: "Love birds..."

Syempre pa, hindi mawawala ang mga mag-syotang kala mo may sariling mundo na kung maglampungan ay parang mga pusang di mapakali. Libreng sine 'to, rated 18, kaya lang nakakabitin din lalo na kapag nauna kang bumaba sa kanila. Meron tuloy mga lalaking 'nag-iinit' at biglang bibitaw ang kamay sa pagkakahawak sa bakal para kunwari mapapasubsob sa katabi nila o kaya naman bigla mong mararamdaman na yung siko nila nasa tagiliran mo na. Sarap sampalin ng mga ganung lalaki. Di naman sa nakikialam ako, pero wala namang inggitan...

Case # 8: "Estudyante blues..."

Maraming estudyante na nagbabasa ng libro sa loob ng jeep habang nasa biyahe. yung iba sa sobrang ganda ng binabasa ay nadadala sa kwento..'Yung nakasakay ko minsan na dalagita ay taimtim na nagbabasa ng "Noli Me Tangere". Hindi nya napansin na malapit na syang pumara at sa gulat na bababa na pala siya ay mahinhing sinabi sa driver "Paalam".

Case #9..."Mama, ba-bye...."

Minsan naman may nakasakay ako, 2 magkaibigan na walang ginawa kungdi magkwentuhan ng mga katatawan. Nakakaaliw silang pagmasdan lalo pa't halos magkanda-luha-luha na ang kanilang mata sa kakatawa. At ng oras na para bumaba ang isa sa kanila...narinig ko ang sabi niya na habang natatawa parin .."teka muna bababa nako sige babay" sabay sigaw sa
driver...."Mama....ba-bye!"

Hay naku, ilan lang yan sa mga nararanasan ko kapag umuuwi ako. Dami pa kong kwento kaya lang uwian na eh.

Magbi-byahe pa ako.

Sasakay na ako ng jeep.

Uuwi ulit akong mag-isa.

(A repost ~ from Anonymous)

8 comments:

  1. Hahahaha. Tinapos ko to kasi nakarelate talaga ako sa lahat ng karanasan mo te! Grabe. Nakakainis pa yung alam nilang ang dami mong dala, tapos naka skirt ka pa, pero yung lalaking katabi mo ikaw pa pagaabutin ng bayad. Yung totoo? Siya ba yung chics? At yung may katabi kang mag-jowa, nakapulupot si Boyfie sa tagiliran ni girl, pero yung braso ni kuya tila umeextend na din sa tagiliran ko. 2 in 1 lang ang peg! Hay yan ang everyday experience ko. Apir te! Hehehehe Para po!!!

    ReplyDelete
  2. LOLs relate ako sa #4 and #6... para dun sa #4 kelanga pa talagang kinakalabit at pagsabihan ko na "kelangan pa bang sabihin na umurong ka?" ;)

    ReplyDelete
  3. Rattus dear kpag natuwa aq ggwa aq ng kwentong tryk version nmn hehe

    ReplyDelete
  4. Sobrang na enjoy ko siya! :D Truelaloo sis :D I think I've read this mga a year ago na ata pero limot ko na yung iba ngayon naalala ko na naman tong kwentong to. kaaliw :D

    ReplyDelete
  5. This is so fun! lol. Thanks for sharing!

    Angel
    http://angeldiamante.blogspot.com/

    ReplyDelete
  6. nag enjoy ako sis..boring dito sa office...hahahaa...naka relate ako slight:) hahahaha!

    ReplyDelete

thank you for leaving some love on my page.. hugs and kisses ~~ rhaindropz